Tuesday, June 6, 2017

PATAY KANG BROCK KA! YARI KA KAY SAMOA JOE!

Nitong Linggo lang ay naganap ang Fatal 5-way Match sa Extreme Rules event ng WWE. Kabilang sa mga lumaban dito ay sina Roman Reigns, Samoa Joe, Seth Rollins, Finn Balor at Bray Wyatt . Ang magwawagi ay tatanghaling number one contender para sa Universal Title ni Brock Lesnar. At nang mapawi ang usok likha ng bayolenteng labanan, ang nakita nating nakataas ang kamay ay si Samoa Joe.

Ang labanang Joe-Brock ay matagal nang pantasya ng mga wrestling fans. Kung si Brock ang sinasabing pinakahalimaw sa WWE, si Joe naman ang nagmamay-ari ng ganoong titulo sa TNA nung naroon pa siya.

Habang patuloy na namamayagpag si Brock sa WWE bilang isa sa mga hari ng lona, iniwan ni Joe ang TNA noong 2016at lumipat sa WWE. Nagsimula siya sa developmental league ng WWE, ang NXT, at doon ay naging kampeon. At pagdating ng 2017 ay umakyat na si Joe sa main division at nakasama sa Raw. Una muna siyang naging tauhan ni Triple H at pinuntirya ang kalaban nitong si Seth Rollins. Pero nang lumaon ay nakasama na siya sa mga maaaring makalaban ng kampeon. At ngayon ito na, si Joe na ang number one contender.

Ngunit ano nga ba ang tsansa ni Joe laban kay Brock. Malaki. Marami nang nakalaban si Brock. May mga powerhouse na tulad ni Reigns. Highflyers na tulad ni Rollins. Mga unorthodox tulad ni Undertaker at Wyatt. Pati ang mga alamat na sina Hulk Hogan, Kurt Angle at The Rock ay nakalaban na rin niya. At lahat sila ay natalo niya.

Pero wala pa siyang nakatagpo na kasing brutal ni Joe. Si Joe na rin ang pinakamalapit na maitutulad sa isang mixed martial arts fighter na makakalaban ni Brock. Si Brock ay isang MMA fighter. Bagamat si Joe ay walang karanasan sa ganoong larangan ng labanan, ang estilo naman niya ay katulad ng mga lumalaban sa UFC at mga ligang kauri nito. At hindi takot si Joe na manakit o makapinsala basta manalo. Ang ugaling ito ang pagkakapareho nina Brock at Joe.

Wala pang nakaharap si Brock na katulad ng sarili niya. Dumating na ang taong iyon sa katauhan ni Samoa Joe. At maaaring siya na ang tatapos sa paghahari ng halimaw na si Brock.

Sunday, June 4, 2017

KAPAG ANG ISANG WRESTLER AY NAKARARANAS NG KABIGUAN

Ang pangunahing layunin ng isang wrestler ay magtagumpay sa bawat laban. Mas maraming panalo, mas maraming oportunidad na makakuha ng pagkakataon na makalaban ang kampeon. At sa oras na maging kampeon, mas malaki ang maiuuwing pera.

Pero parte ng kahit anong laban ang pagkatalo. Minsan ay matatagpuan ng isang wrestler na magkasunod-sunod ang kanyang pagkatalo. Lalo na kung ang naturang wrestler ay nanggaling sa malalaking panalo o kaya ay dating kampeon. Dito ay makikitang dumaranas ng pagkabigo o frustration sa ingles ang isang wrestler. At hindi minsanan na dahil sa pagkabigo ay nagbabago ang ugali ng isang wrestler at may nagagawa na kamuhi-muhi o kasuklam-suklam.

Narito ang ilang WWE Superstars na kasalukuyang dumaraan sa ganitong kalagayan ng pagbago ng ugali dahil sa pagkabigo.

Si Dolph Ziggler ay isang dating WWE Champion at madalas nasa main events. Pero nitong mga nakaraang buwan ay naging isa sa mga pinakasusuklaman na wrestler. Nagsimula ang mga frustrations niya ng mabigo siyang talunin si Dean Ambrose para sa WWE World belt noong August 2016 sa Summerslam. Magkakasunod din siyang natalo kay Miz para sa IC belt. Nakuha rin niya sa wakas ang titulo noong October pero nabawi agad ito ni Miz sa sumunod na buwan.

Muling nabigyan si Ziggler ng WWE title match laban sa kampeon na si AJ Styles, pero muli siyang nabigo. Dito na nagsimulang magbago ang ugali ni Dolph. Tinalikuran niya ang kanyang mga tagahanga.Una niyang pinuntirya sina Kalisto at Apollo Crews.  Sa mga sumunod na araw ay hindi na nakita si Ziggler na lumalaban sa mga main event. Hanggang nitong May ay hamunin niya ang bagong dating na si Shinsuke Nakamura sa Backlash. Muli na naman siyang natalo. Itong Hunyo ay sasabak naman siya sa Money In the Bank ladder match. Kung pagbabasehan ang mga nakaraang win-loss record niya, mukhang hindi rin maganda ang tsansa niya.

Ang pagbago ni Ziggler ay hindi rin nakatulong sa kanya. Lalo pa ngang dumami ang kanyang pagkatalo. Hiling ko na sana ay dumating ang araw na maisip niyang bumalik sa tama. Na bagamat hindi man siya manalo ay hindi naman siya pumapanig sa kapalaluan.

Tuesday, May 23, 2017

SMACKDOWN: LAND OF OPPORTUNITY

Tunay ngang land of opportunity o lugar ng maraming oportunidad ang Smackdown. Ang dating lagi lang natatalo, at minsan na ring tinanngal sa kumpanya, na si Jinder Mahal ay siya ngayong WWE World Champion. Tinalo niya ang dating kampeon na si Randy Orton sa Backlash event noong linggo.

Bagamat hindi malinis ang kanyang pagkapanalo ( nanggulo ang kanyang mga alalay na Singh Brothers ), ang mahalaga ay ang kanyang kamay ang itinaas ng referee.
Sa mga ganyang kaganapan naging mas popular na panoorin ang Smackdown kaysa sa Raw.  Ang mga dating hindi nananalo at hindi nakikitaan ng magandang kinabukasan sa wrestling ay nabibigyan ng mga magagandang pagkakataon.

Nauna na rito si Heath Slater, dating pangkatatawanan, lang ay naging Tag Team Champion kasama si Rhyno. Ang patpating si James Ellsworth ay dalawang beses nakatanggap ng title match sa dating kampeon na si AJ Styles.  Nitong linggo rin ay nagkaroon ng tsansa sina Fandango at Tyler Breeze sa Tag Team belts ng The Usos, bagamat hindi sila nagtagumpay.

Kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran sa Smackdown, baka tuluyan nang maungusan nito ang Raw bilang pangunahing programa ng WWE.