Tuesday, May 23, 2017

SMACKDOWN: LAND OF OPPORTUNITY

Tunay ngang land of opportunity o lugar ng maraming oportunidad ang Smackdown. Ang dating lagi lang natatalo, at minsan na ring tinanngal sa kumpanya, na si Jinder Mahal ay siya ngayong WWE World Champion. Tinalo niya ang dating kampeon na si Randy Orton sa Backlash event noong linggo.

Bagamat hindi malinis ang kanyang pagkapanalo ( nanggulo ang kanyang mga alalay na Singh Brothers ), ang mahalaga ay ang kanyang kamay ang itinaas ng referee.
Sa mga ganyang kaganapan naging mas popular na panoorin ang Smackdown kaysa sa Raw.  Ang mga dating hindi nananalo at hindi nakikitaan ng magandang kinabukasan sa wrestling ay nabibigyan ng mga magagandang pagkakataon.

Nauna na rito si Heath Slater, dating pangkatatawanan, lang ay naging Tag Team Champion kasama si Rhyno. Ang patpating si James Ellsworth ay dalawang beses nakatanggap ng title match sa dating kampeon na si AJ Styles.  Nitong linggo rin ay nagkaroon ng tsansa sina Fandango at Tyler Breeze sa Tag Team belts ng The Usos, bagamat hindi sila nagtagumpay.

Kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran sa Smackdown, baka tuluyan nang maungusan nito ang Raw bilang pangunahing programa ng WWE.